|
Ilantad
ang Kahungkagan ng Pagpaparangal ni Gloria sa mga Migranteng
Pilipino* Ang Alliance of Progressive Labor (APL) at ang Labor
Education and Research Network (LEARN) ay mahigpit na nakikiisa
sa Alliance of Migrant Workers and Advocates to Amend RA 8042 o
AMEND sa pagdiriwang ngayon ng Araw ng mga Migranteng Manggagawa. Bahagi ng aming mga mithiin at adbokasiya sa pagsusulong ng
kabuuang kilusang paggawa ang pag-oorganisa at pag-eeduka ng mga
Pilipinong marino, lalo’t yaong nagtatrabaho sa ibang bansa.
Batid niyo naman na ang mga sea-based workers na ito ay kapilas
ng mga land-based workers sa pagiging migranteng manggagawa,
tawag din ay overseas Filipino workers o OFWs. Sa partikular,
tinutulungan namin, kaagapay ng pandaigdigang kilusang unyon,
ang MARINO at ang MMOA, na kapwa nakikipagtulungan sa AMEND.
Kasali din ang LEARN sa mga koalisyon at iba pang kilusan para
baguhin ang maka-kapitalistang Republic Act 8042 o ang Migrant
Workers’ Act of 1995, kung saan nakakasama namin ang AMEND.
Patunay lamang na magkakawing ang ating mga gawain at batayang
layunin. Kaya’t sa araw na ito atin muling ilantad ang kahungkagan
ng ipinarangal ng ilang gobyerno na natin sa mga migrante o OFWs
– ang pagturing sa kanila bilang “Mga Bagong Bayani.”
Sapagkat sa kabila ng parangal na ito, patuloy at lumulubha pa
nga ang katiwalian at pagkainutil ng pamahalaan at mga ahensiya
nito sa dapat sana’y pag-aalalay sa at pag-aangat ng mga
migrante. Sa gitna ito ng halos ang tumukod at tumutukod pa sa
gigiwang-giwang nating pambansang ekonomya ay ang bilyon-bilyong
ipinadadalang pera o remittances bawat taon ng mga migrante.
Pinalala pa nga ito nang isinabatas ang RA 8042 pitong taon na
ang nakararaan. Tampok sa batas na ito ang bulag na pagsunod sa
ipinapataw ng globalisasyong neoliberal ngayon: ang walang
patumanggang “liberalisasyon” – partikular ang
“deregulasyon” daw ng sektor ng mga migrante o ang labor
export market. Ibig sabihin, binabawasan kundi man tuluyang
inaalis ang kapangyarihan ng estado para magtakda ng regulasyon
upang hindi maabuso ang mga manggagawa. Sa gayon, sa halip na
tugunan ng gobyerno ang matindi nang pang-aapi sa mga migrante,
lalo pa silang iniwanan ngayon sa pansitan. Lalong mahalaga, kung gayon, ang isiniselebra natin ngayon.
Gawin natin ang Migrant Workers’ Day bilang pagpapatibay pa ng
ating pagpupunyagi na labanan ang anumang uri ng panghuhuthot at
paniniil sa mga migrante – gaya ng pagbaka natin para sa lubos
na kalayaan at katarungan ng uring manggagawa at ng buong
mamamayan, sa loob ng ating bansa at sa sandaigdigan. Mabuhay ang mga Pilipinong Migrante! _______ This message of solidarity was read during the Migrant Worker's Day Concert held in UP Manila last 7 June 2002.
Posted
to the APL website
|
||||
---|---|---|---|---|---|
HOME
|
ABOUT APL |
PRESS STATEMENTS |
POSITION PAPERS |
BASIC DOCUMENTS |
Alliance of Progressive Labor
(APL) 2002
Manila, Philippines
email: apl@surfshop.net.ph
http://www.apl.org.ph